Passenger Seat
- Nok Tayag
- Oct 24, 2020
- 2 min read
20 years na akong single.
Bago mo ‘ko pagtripan, joke ko na ‘yan sa sarili ko. Dalawang dekadang walang kasama sa buhay. Once a month naiisip ko ‘to. Pag pupunta ako ng simbahan, lalakad sa Ateneo, pauwi. Basta once a month, tatamaan ako ng pakiramdam na ‘yan.
Nakakalungkot, oo. Kasi hindi mo alam bakit ganon e. Alam ko marami akong pagkukulang sa sarili ko, pero parang mayroon rin mga bagay sa mundo na hindi mo maipaliwanag na mag pipigil na lang talaga sa ‘yo. At sa ngayon, kahit ano pang pilit ng tao para maunawaan ang nagaganap sa buhay niya, wala siyang makukuha kung hindi ang katotohanan na wala siyang magagawa rito.
Ito na rin ‘yung dahilan siguro kung bakit paborito kong pastime ‘yung managinip nang gising (daydreaming). Una sa lahat, libre naman, kahit wala akong pera pwede akong managinip. Pangalawa, hinahayaan ako ng mundo, ng tadhana, ng imahinasyon, o ng kung sino man nandiyan upang malaman ang posibilidad ng aking magiging kinabukasan. Pero papano kung halos lahat ng napapanaginipan ko tungkol lamang sa isang bagay? Posibilidad na lang ba siya o totoo na?
Noong bata pa ‘ko, isa sa mga natanggap ko na regalo e ‘yung mga vintage scale model na kotse. Siguro dahil alam ng mga tao na trabaho ng tatay ko na magbenta ng kotse, gusto ko rin. Sakto lang naman. Kadalasan kapag magreregalo ka ng mga ganon, mga sports car ‘yung ireregalo mo. Yung mga walang bubong na mayaman lang makakabili. Nakita ko ulit sila kailan lang. Noong makita ko ang mga ito, nagkaroon ako agad ng imahe sa utak ko. (Mas maganda kung english ko eexplain para makuha yung buong imahe):
“I was driving a top down convertible car, with the sun rising. Not too bright, just like how the sun is at 2 in the afternoon. I don’t know why, but I am sure it was a sunday. I was driving on a sloped, neatly made road that is overlooking a beach. There were no cars as far as my eye could see, and I was wearing a button-down tropical polo, board shorts, and flip-flops…. And in the passenger seat, there was you.”
Oo, alam ko ang drama, pero nakita ko ‘yan sa simpleng pagtingin ko sa isang kotse. Hindi ko alam kung bakit sobrang ganda, at sobrang “vivid” ika nga. Simula noon, palagi ko nang nakikita ‘yung panaginip na ‘yon.
Kapag nakikinig ako ng kanta, pumapasok na naman ‘yon sa isip ko. Lalo na mga kantang to: Thin ng Aquilo, Overdrive ng Eraserheads, at lalo na sa Passenger Seat ng Stephen Speaks. Parati kang nandoon, nasa tabi ko, habang nililibot natin ‘yung kinabukasan. Siguro 20 na taon na akong walang kasama sa buhay, pero naiisip ko na sulit naman na nakikita kita sa isang panaginip, kahit sandali lamang.
Hindi ko alam kung bakit, pero hindi ko hinahanap kung sino ka. Pero malaki ang kutob ko sa dami ng tao sa mundo ko, nandiyan ka. At siguro marami na rin nanaginip nito tulad ko. Pero kung katulad mo rin ako na nakikita ang kinabukasan sa daan na pataas, sa isang kotse, kasama ang isang tao na nagmamaneho, siguro senyales na ‘yon na kumuha na ko ng lisensya, kasi hindi na ‘ko makapaghintay na buksan ‘yung makina ng kotse at sunduin ka. Pupunta na tayo sa walang hanggan.
02/29/20


Comments